Gagala ka na naman.
Gagala kang mag-isa; gagalang may bitbit na kaibigan.
Gagala ka na naman.
Gagala kang walang pera; gagala hanggang ika'y
mapagsikatan...
...ng araw na may dalang pangako
na nais mo sanang panghawakan,
ngunit ilang beses ka na nitong niloko
na may magbabago.
Ngunit ang nagbago lang naman ay ang mga guhit sa'yong noo.
At ang lalong pag-init nitong mundo
Na hindi kayang solusyonan ng mga taong...
...nanlalamig sa'yo.
Kaya gagala ka na naman.
Maghahanap ng inuman, dala ang 'yong sasakyan
na kung pwede lang sana'y mapaglagyan
ng lahat ng sama ng
loob at iwanang ligaw sa lansangan.
Sawa ka ng makinig sa nag-uunahang pintig
ng iyong pusong
pagkatagal tagal ng nagtitimpi
dahil lagi mong naiisip kung magugustuhan nila o
hindi.
Sawa ka ng magmahal kasi ang alam mo lahat ng nagmamahal,
hindi binibili.
Nakalimutan mong hindi lahat ng mahal, may silbi.
Ilang beses ka ng umasa.
Ilang beses ka ng nagdusa.
Ilang beses ka ng napagtawanan.
Ilang beses ka ng di pinanagutan.
Ilang byahe na ang sayo'y nag.iwan.
Ilang alak na ang tinaggihan ng 'yong lalamunan.
Alam kong pagod ka ng lumaban.
Kaya sa daloy ng trapiko nagpapadala na lamang.
Ngayo'y naglalakbay ka na ng walang alam na hantungan.
Magpahinga ka muna sandali at ika'y aking sasamahan.
Sabay nating mahalin ang takipsilim.
Hintayin nating mawaglit ang dilim...
...na handog ng iyong paglaya.
Bagamat hindi man ito agad mangyari maya-maya,
halika rito't pansamantalang huminto.
Hindi ko kayang mag.alay ng pilak at ginto,
subalit kung pagod ka na sa mundong lagi kang inaayawan,
lagi kang pinagtatabuyan,
sa mundong laging isinasawalang bawala
ang bawat pagpatak ng iyong luha,
sa mundong hindi mo mapagtabihan ng bigat ng 'yong
nararamdaman...
Dito. Sa bandang 'to...
meron kang mapaglulugaran.